Magmimistulang isang tradisyunal na “Fiesta” ang isasagawa ngayong taon ng Philippine National Youth Games (PNYG) Batang Pinoy at ang Philippine National Games (PNG) na magkasunod na gagawin ngayong Disyembre sa Dumaguete City na parte sa pinakabagong rehiyon ng bansa na kinikilang One Negros Island.
Ito ang sinabi mismo ng nag-oorganisang Philippine Sports Commission (PSC) chairman Butch Ramirez noong Huwebes matapos makumpirma ang pagsang-ayon ng lokal na pamahalaan ng Dumaguete City para sa pagsasagawa ng kambal na torneo na gagawin sa magkasunod na linggo sa unang pagkakataon.
“It will be like our traditional fiesta na dumadayo ang ibang lugar at magkakasama-sama ang lahat ng representante ng mga regions o cities pero ito para sa mga nakatayang gintong medalya at posibleng madiskubre at makasama sa national development pool ng itatayo natin na Philippine Sports Institute,” sabi ni Ramirez.
Ang PNYG-Batang Pinoy ay ang taunang pangunahing grassroots sports development program ng ahensiya para sa mga kabataang out-of-school youth at estudyante edad 15-anyos pababa habang ang PNG ang torneo para sa 16-anyos pataas at pinagbabasehang torneo para manatili sa benepisyo at suporta ng ahensiya sa pambansang atleta.
“We will be meeting with Dumaguete City local government heads to finalized the date and all the necessary needs for the staging of these tournaments,” sabi pa ni Ramirez.
Asam naman ni Ramirez na maitulad ang Batang Pinoy at PNG sa isinasaimplementang programa sa China Games kung saan ipinapadala ng bawat probinsiya, siyudad at rehiyon ang kani-kanilang pinakamagagaling na mga atleta na kapag nagwagi ay agad na isinasama sa pambansang koponan.
Ipinaliwanag din ni Ramirez na hindi na din isasagawa ang mga qualifying legs na dating itinakda sa North at South Luzon, Visayas at Mindanao.
“Magastos masyado sa paglilipat at pagdadala ng mga equipment sa mga host venues so isang national finals na lang tayo. Kapag naisaayos na natin ang PSI all over the country, I’m sure iyong mga kasali diyan next time will be the crème of the crop na,” sabi ni Ramirez. (Angie Oredo)