Isa ang mandatory drug-testing sa mga malalalim na pag-uusapan ng Philippine Sports Commission at mga pangulo at secretary-general ng kabuuang 52 na national sports associations sa paghaharap nito para sa isang konsultasyon sa Setyembre 20 sa Century Park Sheraton.
“It is one of the agenda but we have to discuss it deeply with the NSA’s dahil baka may matapakan kaming karapatan at malabag na batas sa mga indibidwal na personahe,” sabi ni PSC chairman Butch Ramirez noong Huwebes.
Ninais ni Ramirez na isailalim ang lahat ng mga pambansang atleta sa mandatory drug-testing matapos na isang miyembro ng Philippine Amateur Sepak Takraw Association (PASTA) ang makitaan ng ipinagbawal na substansiya na naging dahilan upang agad itong alisin sa dapat sanang pagsisilbihan na Philippine Navy.
Ipinaliwanag ni Ramirez na posibleng maisama ang nais nitong maging kautusan ukol sa drug-testing sa pagsisimula nito na mabigyan at mapapirma sa kontrata ang mga national athletes at coaches upang mapangalagaan hindi lamang sa biglaang pagpapatalsik sa koponan kundi para mabantayan sa pagsasanay at maihanda sa mga torneo.
“We want them (athletes and coaches) to reach their best and prepare them for maximum performance by signing them to a contract,” sabi ni Ramirez. “Gusto namin siguruhin na talagang naghahanda sila at regular na nagpapraktis para sa tsansa ni-lang makamedalya. We won’t give them allowances if they don’t want to sign (the contract).”
Plano ni Ramirez na matutukan ng husto ang lahat ng mga pambansang atleta para malaman nito ang lahat ng mga pangangaila-ngan sa pagnanais na rin nito na maisakatuparan ang hangad nitong kada atleta ay may potensiyal na magwagi ng anumang kulay ng medalya.
Nakatakdang ipaliwanag ng PSC ang plano nito na isailalim ang mga miyembro ng national team kasama ang uupo na national training director ng Philippine Sports Institute na si Marc Velasco. Nakaatas kay Velasco ang istriktong pagbabantay at pagmonitor sa progreso ng mga atleta gayundin ang pagpapataas ng antas sa mga coaches. (Angie Oredo)