Isang hinihinalang tulak-droga ang malubhang nasugatan nang makipagbarilan sa mga pulis sa Muntinlupa City noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa police, naaresto rin ang ama ng suspek at isa pang kasapakat sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng humigit kumulang sa isang kilo ng shabu.
Kinilala ni Senior Supt. Albert Ferro, hepe ng Philippine National Police (PNP) Anti-Illegal Drugs Group (AIDG), ang mga naaresto na sina Ferdinand Moldez, ang kanyang amang si Rogelio, at isang Roberto Ataaylar.
Base sa police report, nadakip ang tatlo ng mga tauhan ng AIDG, Muntinlupa City Police, at Southern Police District-District Anti-Illegal Drugs (SPD-DAID) sa Argana Compound, Katihan St., Poblacion, Muntinlupa City, bandang 10 p.m. noong Biyernes.
Sinabi ni Ferro na ikinasa nila ang buy-bust operation matapos silang makatanggap ng impormasyon tungkol sa pagtutulak ng droga ni Moldez sa Muntinlupa at mga kalapit nitong lugar.
Si Ataaylar ang nag-abot ng 50 gramo ng shabu sa isang police poseur buyer nang isinagawa nila ang patibong. Nang matunugan ni Ataaylar na pulis ang kanyang ka-transaksiyon, tumakbo siya sa loob ng bahay ni Moldez.
Dito na nagkaputukan ang mga pulis at suspek na nagresulta sa pagkakasugat ni Moldez. Mabilis na isinugod si Moldez sa ospital habang inaresto naman ang kanyang amang si Rogelio at Ataaylar.
Na-recover sa sugatang suspek ang shabu at ang baril na ginamit niya sa pakikipagbarilan sa mga pulis.
(Francis T. Wakefield)