Nanawagan ang maybahay ng nasawing pulis sa isang anti-drug operation kamakalawa sa Caloocan City kay Pangulong Duterte na bigyan ng karagdagang kagamitan ang mga alagad ng batas upang mailigtas sila sa kapahamakan at kamatayan.
Sinabi ni Aiveelyn “Aidy” Mandapat, asawa ni PO1 Romeo Mandapat, na buhay pa sana ang kanyang kabiyak kung may suot siyang bullet proof vest sa operation.
“Kung may suot lang po sanang bullet proof vest ang asawa ko, may ama pa sana ang dalawa naming anak. Nais ko pong umapela sa Pangulo na bukod sa pagpapataas ng sahod, dapat ding paglaanan ng pansin ang kagamitan ng pulisya,” ani Aiveelyn.
“Sana po, mahal na Pangulo, huwag niyong hayaang matulad ang ibang pulis sa sinapit ng asawa ko. Buo po ang suporta namin sa iyo. Huwag ninyo pong ititigil ang kampanya laban sa droga – paigtingin pa po ninyo,” dagdag ni Aiveelyn.
Kinumpirma ni Caloocan police chief Senior Supt. Johnson Almazan na wala ngang suot na bullet proof vest si Mandapat dahil limitado ang bilang ng mga ito sa kanilang opisina.
Ibinunyag ni Almazan na pinapahiram ng mga pulis ang kanilang mga gamit sa kapwa nila pulis dahil sa kakulangan ng mga ito.
“He was not wearing one (a bullet proof vest) since we have only a small number of vests available for our policemen,” sinabi ni Almazan. “There’s indeed a big shortage of equipment.”
Ayon kay Almazan, malaki ang tsansang buhay pa sana si Mandapat kung may suot siyang bullet proof vest. Aniya, binaril at nasugatan pero nabuhay ang isang kasamang pulis ni Mandapat sa operation dahil may suot itong bullet proof vest.
Inilarawan ni Aiveelyn na mapagmahal na asawa at ama ng kanilang dalawang anak si Romeo. Si Romeo ang nagluluto ng kanilang pagkain kapag abala si Aiveelyn sa pagaalaga ng kanilang mga anak na edad lima at tatlo kahit na pagod ito galing trabaho.
“Napaka-bait po niya at mapagmahal kaya siya ang pinakasalan ko. Noon pang college kami, nais niya talagang maglingkod sa bayan,” sinabi ni Aiveelyn. (Jel Santos)