Lalabas na next week si Alden Richards sa “Encantadia.” Gaganap siya bilang Lakan, isang karakter ng Mulawin. Ano kaya ang magiging papel niya sa apat na sang’gre? Kakampi kaya o kaaway siya?
Sa post sa social media ni direk Mark Reyes, tapos na ang retelling, kaya magsisimula na ang sequel ng “Encantadia.”
Sa papasok na linggo ay bagong kabanata ng kuwento at mas malalaking eksena at maraming fight scenes ang mapapanood.
Nag-training pa si Alden para sa kanyang fight scenes. First time siya mag-aksiyon, kaya aniya, sobrang excited siya na bahagi siya ng naturang telefantasya ng GMA7.
Umiyak
Humiwalay na si Jake Vargas ng tirahan sa kanyang pamilya sa Olongapo City. Solo siyang namumuhay ngayon sa isang condominium unit malapit sa GMA Network Center.
Pero nilinaw ni Jake sa presscon ng “Oh, My Mama!” na walang gulong nangyari sa pagitan niya and his family.
Suportado pa rin niya ang kanyang ama at mga kapatid. Tuwing weekend o kapag may free time si Jake ay umuuwi siya sa Olongapo para bisitahin ang kanyang pamilya.
Naikuwento rin ni Jake na napaiyak siya noong i-record niya ang theme song ng “Oh, My Mama!” Naalala raw niya ang yumao niyang ina. Kanser ang ikinamatay nito a few years ago.
Off-beat role si Jake sa “Oh, My Mama!” na isang maangas, mayabang at miyembro ng isang sindikato na walang kinatatakutan. Tampok din sina Inah de Belen at Jeric Gonzales. Mapapanood simula ngayong Lunes ang “Oh, My Mama!”
after “Eat Bulaga” sa GMA Afternoon Prime.
Love triangle
Open na si Megan Young pag-usapan ang relasyon nila ni Mikael Daez. Six years na sila together. Travel buddies sila ni Mikael at kung saan-saang lugar na here and abroad sila nakapunta.
Wish ni Megan na magkatrabaho sila ni Mikael sa future projects ng GMA7. Si Mikael ang perennial partner ni Andrea Torres na ani Megan, never niya itong pinagselosan.
Magkasama sina Megan at Andrea sa “Alyas Robin Hood” na si Dingdong Dantes ang bida. Love triangle silang tatlo.
First time magkatrabaho sa isang teleserye sina Dingdong at Megan. Naging co-hosts sila sa “Starstruck 6.”
Isang lawyer si Dingdong sa ARH at isa namang doktora si Megan. Hindi pa sure si Megan kung may love scene sila ni Dingdong. Aniya, may tiwala naman siya kay direk Dominic Zapata. Confident din si Megan na hindi siya pagseselosan ni Marian Rivera, gayun din si Mikael kay Dingdong. Ngayong Lunes (Sept. 19) na ang pilot telecast ng ARH sa GMA Telebabad.
Kapal ng mukha
Kahit marami ang nagsasabing siya ang susunod na Dolphy, hinding-hindi ‘yun matatanggap ni Epi Quizon. “There will be no other Dolphy. Nag-iisa lang si daddy. Ang kapal naman ng mukha ko,” pahayag ni Epi sa presscon ng “Oh, My Mama.”
Aniya pa, minahal ng mga tao ang kanyang daddy noong nabubuhay pa ito. Iba raw ang karisma nito. Iba ang timing nito sa pagpapatawa na hindi niya matutunan. “Mahirap tumbasan ‘yun, pati ang napakarami niyang achievements sa showbiz,” wika pa ni Epi na gumaganap bilang Gordon sa “Oh, My Mama.”
Marami silang eksena ni Inah de Belen na ayon kay Epi, she’s the next superstar, maalagaan lang nang husto ang career nito. “Workshop pa lang kami, may hugot agad si Inah. Ang ganda niyang umiyak. Ang ganda pa rin ng mukha niya kapag umiiiyak siya,” saad ni Epi.