GENERAL SANTOS CITY – Nasabat ng pulisya ang tangkang pagpupuslit ng shabu na nagkakahalaga ng P500,000 papunta sa bayan ng Ampatuan.
Kinilala ni Midtimbang police chief Regiie Abellera ang suspek na si Meriam Talusan, residente ng Talitay, Maguindanao na nahuli ng awtoridad sa isang police checkpoint sa Barangay Agaon, Datu Anggal Midtimbang.
Ayon kay Abellera, nakuha kay Talusan ang higit 120 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nakatago sa suot nitong adult diaper.
Ibinunyag pa ni Abellera na nakakuha sila ng tip ukol sa planong pagdadala ng shabu papuntang Ampatuan town.
“We immediately set up the checkpoint and flagged down the passenger van where the suspect was riding,” ani Abellera.
Matapos ang pag-aresto kay Talusan ay laglag din sa awtoridad ang kasabwat nito na si Tarhata Alon sa isang follow-up operation sa Barangay Kamasi, Ampatuan.
Si Alon ang sinasabing consignee ng illegal na droga na dala-dala ni Talusan.
Sa ngayon ay puspusan pa din ang pagmamatyag ng pulisya sa mga magtatangka pa na magpuslit ng ipinagbabawal na gamot (Joseph Jubelag)