CEBU CITY – Nanganganib na ipasara ang Cebu Wildlife Resources Conservation and Protection Office ng Cebu City government.
Ayon kay city mayor Tomas Osmeña, kanilang natukoy ang lote ng Cebu City Zoo na kanilang gagamitin para sa planong land swap deal sa pagitan ng city at provincial governments.
Sa kabila nito ay kailangan pa ng pahintulot ng City Council, na sinasabing dominado ng oposisyon, bago ipatupad ang palitan ng lupa.
Magkagayon man ay may plano na si Osmeña kung saan dadalhin ang mga hayop sa naturang zoo.
Isa na dito ay ang pagdonate ng mga ito sa isang bayan sa Negros Occidental na desidido umano na akuin ang responsibilidad sa mga hayop sa itatayo nilang zoo sa kanilang lugar.
Nais naman na gamitin ni Osmeña ang mga ibon para gawing aviary ang Companja Maritima.
“I think it would be more attractive to the Cebuanos. It is a nice structure. You just put a net over it and you have all the birds inside. So you go and see the birds. I think a lot of people would like to see that compared to what it is right now,” ani Osmeña.
Base naman sa animal inventory ng Cebu Wildlife Resources Conservation and Protection Office, aabot sa 270 ang mga hayop na inaalagaan ng naturang zoo. (Mars W. Mosqueda Jr.)