Isang bagitong pulis ang nagpositibo sa biglaang drug test na isinagawa ng Quezon City Police District (QCPD).
Nakatalaga sa Batasan Police Station (PS 6) ang Police Officer 1 na nakumpirma na gumagamit ng shabu. Hindi muna siya pinangalanan ng opisyal ng QCPD.
Sinabi ni Supt. Lito Patay, PS 6 commander, na ang pulis na nasa 20s ang edad ay umaming gumagamit ng shabu simula nang maging miyembro siya ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ng naturang pulis na nag-negatibo ang resulta ng nauna niyang drug test na isinagawa ng QCPD noong Hulyo dahil pinaghandaan niya iyon.
“Inamin niya, sa bahay daw siya gumagamit. Kasi may problema daw siya at para makapag-isip,” sabi ni Patay. Ang naturang pulis ay naitalaga rin sa mga operasyon laban sa droga sa Barangay Payatas, ayon kay Patay.
Sinabi pa ng police official na maaaring tanggalin na sa serbisyo ang nasabing pulis kapag muling nagpositibo siya sa droga sa gagawing confirmatory test sa PNP headquarters. (Vane Elaine P. Terrazola)