Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean fugitive na nagtago sa Pilipinas nang mahigit na 14 taon para takasan ang pag-uusig sa kanya dahil sa panggagantso sa isa niyang kababayan sa halagang $1.4 milyon.
Ayon kay Immigration Acting Commissioner Al Argosino, nadakip si Li Tae Young, 56, noong Lunes ng mga operatiba ng BI fugitive search unit (FSU) sa kanyang tinitirhan sa AFPOVAI Subdivision, Western Bicutan, Taguig City.
Inaresto siya sa bisa ng warrant of deportation na pinirmahan ni Commissioner Jaime Morente base sa summary deportation order na inilabas ng BI board of commissioners noong Abril 27 ng kasalukuyang taon.
“He was ordered deported for posing a risk to public safety and security, being a fugitive from justice,” sabi ni Argosino. Inilagay na rin siya sa BI blacklist para hindi na siya makabalik sa Pilipinas. (Jun Ramirez)