Hindi raw pinagyayabang ng teen actress na si Therese “Teri” Malvar ang kanyang pagiging isang award-winning actress.
Mas gusto raw niyang ma-kilala siya bilang isang masipag at mabait na katrabaho.
Sa edad na 13, nanalo nasi Teri ng kanyang unang best actress award bilang isang batang lesbian mula sa CineFilipino Film Festival para sa pelikulang Ang Huling Cha-Cha ni Anita.
Napanalunan naman niya ang second best actress award niya bilang isang batang kalye na nagnanakaw mula sa Cinema One Originals for the indie film Hamog.
Tatlong international awards naman ang napanalunan ni Teri. Ito ay ang Outstanding Artistic Achievement Golden Goblet Award at the 2016 Shanghai International Festival; Screen International Rising Star at the 2016 New York Asian Film
Festival; at Best Actress sa 2016 Moscow International
Film Festival for Hamog.
Ayon pa sa 15-year old teen actress, importante sa kanya ang magandang working relationship niya with other actors.
Kinukunsidera na lang niya bilang bonus ang mga napanalunan niyang mga awards dahil sa nagawa niyang tama sa kanyang trabaho.
“Importante po sa akin ang pakikisama sa iba’t ibang artista at sa mga director na nakakatrabaho ko. Gusto ko lang pong magtrabaho ng tama,” ngiti pa ni Teri.
Minana raw ni Teri ang kanyang husay sa pag-arte mula sa kanyang ina na si Cherry Malvar na isang stage actress.
“Noong pinagbubuntis daw ako ng mommy ko, gumawa pa siya ng isang stage play. Kaya sa pagbabasa ni mommy ng script at sa pag-arte niya, na-absorb ko iyon habang nasa tiyan pa ako,” kuwento pa ni Teri.
Nagulat na lang daw ang pamilya ni Teri noong malaman nila na pumasa ito sa audition para sa isang indie film.
Hindi raw nila akalain na may kakayahan pala itong umarte at very proud sila sa mga achievements ni Teri sa bilang aktres.
Ngayon ay kasama si Teri sa teleseryeng GMA-7 na “Oh, My Mama” kunsaan bida si Inah de Belen. (Ruel J. Mendoza)