Isang pulis ang nabaril at napatay ng isang security guard habang tinutugis ang isang drug trader sa loob ng sabungan sa San Juan City noong Miyerkules ng gabi.
Base sa police report, dumating si Senior Police Officer 2 Abundio Panes kasama ang isang police asset sa San Juan City Coliseum bandang 8 p.m. para manmanan ang isang hinihinalag drug trader na si Manuel “Manoling” Obar Llangos na kabilang sa Barangay Batis drug watchlist.
Nang makapasok ang dalawa sa loob nag sabungan, biglang nagkaroon ng habulan at putukan na nagresulta sa pagakamatay ni Panes.
Ayon sa isang testigo, binaril ng security guard na si Louie Magdag si SPO2 Panes na noo’y hinahabol si Llangos.
“Magkasamang dumating ‘yung pulis at informant na nakasakay sa iisang motor. Ang problema nakilala nung subject yung asset.. yung asset kasi at pulis magkasama. Eh namukhaan.
Dapat kapag naka-motor, naka helmet at nakatakip ang mukha. Itong tao natin, nagsu-surveillance pa lang. Magco-confirm pa lang.
Yung tropa naka-standby sa station,” sabi ni Superintendent Lito Pajarillaga, chief ng San Juan Police. “Ang problema nakialam itong security guard.
Inaalam pa natin ano ugnayan nung suspek at ni security guard,” dagdag pa ni Pajarillaga. Dead on arrival si Panes sa San Juan Medical Hospital kung saan ginagamot ngayon si Llangos na nasugatan nang mabaril ng napatay na pulis.
Pinaghahanap ngayon ng pulisya si Magdag na tumakas matapos ang insidente. Sinabi ni Pajarillaga na ipapanukala niyang ang pagbibigay ng posthumous award kay Panes na kilala bilang pinakamasipag nilang pulis pagdating sa pagsasagawa ng operasyon laban sa mga taong sangkot sa droga. (Jenny Manongdo)