Patay ang isang drug suspect nang makipagbarilan sa mga pulis at tumalon sa isang ilog sa Tondo, Manila, nitong Huwebes ng hapon.
Nai-ahon ng mga operatiba ng Moriones Tondo Police Station si Crisanto Marquezes mula sa tubig at isinugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital kung saan siya binawian ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsagawa ng operation “Tokhang” ang mga pulis sa Isla Puting Bato bandang 4:30 p.m, at kinatok ang pintuan ng bahay ni Marquezes.
Ngunit sa halip na sumuko nang mahinahon, kumuha ng baril si Marquezes at pinaputukan ang mga alagad ng batas. Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek.
Bagamat sugatan, tinangka ni Marquezes na tumakas sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog. Agad naman siyang natagpuan ng mga pulis at dinala sa ospital ngunit namatay din siya habang nilalapatan ng lunas alas 8:20 ng gabi.
Ayon kay PO3 Marlon San Pedro, may hawak ng kaso, na-recover sa pinangyarihan ng insidente ang limang pakete ng shabu, aluminum foil, at isang lighter. (Analou de Vera)