Nanawagan ang daan-daang may-ari ng bar sa Quezon sa law enforcement agencies na tumbukin ang mismong pinagmumulan ng bawal na gamot dahil ipinupuslit lamang ang mga kontrabando sa loob ng kanilang establisyemento ng mga masasamang elemento.
Ginawa ng mga bar owners ang panawagan habang tiniyak nila ang kanilang lubos na pagsuporta sa kamapanya ng gobyerno laban sa droga.
Ipinagbigay-alam nila ang kanilang sentimyento sa magkakasunod na pulong na ipinatawag kamakailan ni Vice-Mayor Joy Belmonte, chairman ng Quezon City Anti-Drug Abuse Council (QCADAC) sa mga pulisya at bar at club owners.
Sinabi ni Perry Mariano, pangulo ng Association of Clubs, Karaoke and Disco Operators (ACKDO), na nagkasundo ang club at bar owners na sumailalim sila kasama ang kanilang mga empleyado sa drug tests.
Sinabi pa ni Mariano na nangako ang club owners na susunod sila sa anti-illegal drug measures na gagawin sa kanilang mga lugar lalo na kung hindi ito makahahadlang sa kanilang normal na operasyon at hindi maaapektuhan ang pagpunta ng kanilang mga kliyente. (Chito Chavez)