Naaliw daw si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar sa ginawang pag-spoof sa kanya ng Kapuso star na si Alden Richards sa Sunday Pinasaya ng GMA-7.
“Siyempre sobrang sikat ni Alden Richards e. So, nakakataba ng puso, di ba? Kasi sobrang guwapo nun e. Napakasikat, iyong i-spoof ka ng isang napakasikat na tao, isa sa pinakasikat na artista ngayon. So, salamat Alden,” sabi ni Sec. Andanar.
Kung halimbawang isasapelikula ang buhay niya, sinong artista ang gusto niyang gumanap bilang Martin Andanar? “E, nakakahiya ho. Siguro kayo na lang ang magsabi kung sino,” aniya sa mga kausap niyang entertainment press.
E kung si Alden kaya? “Naku, napakasikat po ni Alden, parang nakalamang po iyon ng sampung paligo. Nakakahiya naman.”
Ayon kay Sec. Andanar, bagama’t nasa side na siya ng pulitika ngayon bilang press secretary ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi naman daw niya pwedeng kalimutan ang kanyang pinagmulan bilang newsman at broadcaster. Hindi rin daw niya kalilimutan ang entertainment press na kabilang sa mga unang sumuporta at nag-interview sa kanya noong nagsisimula pa lang siya sa industriya. Ipinagpasalamat din niya ang nakuha niyang awards gaya ng una niyang award sa broadcasting bilang Best Male Newscaster sa Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC) noong 2004.
“Maraming salamat at ang inyong kaibigan ay nandito na sa gobyerno. Bagama’t nasa kabilang bakod tayo, I still consider myself as a newsman. Kung mayroon akong maitutulong sa inyo, bukas ang aking bahay kung mayroon kayong kailangan na assistance na kaya naman. Huwag po kayong mag-atubili. Kung mayroon po kayong tanong sa mga nangyayari sa gobyerno, kung kaya ko naman sagutin ay sasagutin ko po,” sabi pa ni Sec. Andanar. (Glen P. Sibonga)