Dalawang pinaniniwalaang biktima ng “salavanging” o summary execution ang natagpuan sa 5th Avenue, Caloocan City, kahapon ng umaga.
Ayon sa police, nakita ang unang bangkay ng lalaki sa C-3 road, 5th Avenue, Barangay 155, Caloocan, dakong 3 a.m.
Nasa pagitan ng 20 at 30 ang kanyang edad, 5’4’’ ang taas, at nakasuot ng brown sleeveless t-shirt at denim pants.
Na-recover sa tabi niya ang apat na basyo ng bala ng .45-caliber pistol. Samantala, nadiskubre naman ang pangalawang bangkay bandang 3:30 a.m. sa Clara St., 5th Avenue, Barangay 107, Caloocan.
Nasa 25 hanggang 35 ang kanyang edad, may taas na 5’7’’, at nakasuot ng dilaw na sleeveless shirt at denim pants. Tatlong basyo ng bala mula sa .45-caliber pistol ang nakuha sa kanyang tabi.
Sinabi ni Senior Supt. Johnson Almazan, Caloocan Police chief, na parang baboy na itinali ang mga kamay at paa ng dalawang biktima at kapwa may tama ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inaalam pa pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang bangkay. Base sa PNP data, umabot na sa 50 hinihinalang biktima ng summary execution ang itinapon sa Caloocan City simula nang manungkulan si Pangulong Duterte. (Jel Santos)