Sinusuportahan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang panawagan ni President Duterte sa gobyerno ng Amerika at sa United Nations (UN) na huwag makialam sa panloob na suliranin ng Pilipinas.
Ipinahayag ni Estrada ang kanyang suporta kahapon kasunod ng pakikipagpulong niya sa Presidente sa Malacañang kamakailan.
Binigyang diin ng alkalde na walang karapatan ang US o UN na sabihin kay Duterte kung ano ang dapat niyang gawin sa bansa, lalo na ang nauukol sa pambansang usapin gaya ng peace and order at kampanya laban sa terorismo sa Mindanao.
“The Philippines is an independent nation, hindi naman nila alam ‘yung problema natin pero pinapatigil ‘yung all-out war sa Mindanao,” pahayag ni Estrada.
Maliban sa isyung ito, tinalakay din nina Estrada at President Duterte ang pangangailangang makapagpatayo ng rehabilitation centers sa gitna ng laban ng gobyerno laban sa bawal na gamot.
“’Wag tayong sumunod sa kanila (US and UN) eh, problema natin ‘to, e,” sabi pa ni Estrada. (Betheena Kae Unite)