Sinorpresa ang dating ABS-CBN President/CEO na si Charo Santos-Concio ng kanyang mga anak na sina Francis at Martin Concio sa pag-guest nila sa Kapamilya morning talk show na Magandang Buhay.
Kasama ni Francis ang kanyang asawa na si Carla.
Ibinahagi ng kanyang mga anak kung anong klaseng ina si Charo. “Minsan may pagka-strict, pero minsan din malambing.
Parang half-magulang, half-kabarkada. Very warm, very malambing. Pero pag na-cross mo ‘yung boundaries niya, lagot ka,” biro ng bunsong si Martin.
Ayon naman sa panganay na si Francis, “Actually, tama ‘yung sinabi ni mommy kanina na hindi siya spoiler. Tama rin ’yung sinabi ni Martin parang magkabarkada lang. Pero pag ginalit mo naman siya talagang yari ka naman.”
Nag-share din si Carla sa pagiging mother-in-law ni Charo. “We always have that impression na maraming horror stories pag in-laws, di ba? But with her, wala akong naramdamang ganun. She is very welcoming. Tapos in-accept kaagad nila ako sa family nila.”
Since parents na sina Francis at Carla, anong parenting style ang natutunan nila kay Charo? “Siguro masasabi ko ’yung don’t spoil the children. Kasi iyon naman ang ipinakita niya sa amin while we were growing up,” ayon kay Francis.
Sa huli nagbigay din ng mensahe sina Francis at Martin para sa kanilang mommy. “First of all, congratulations for the success of your film (Ang Babaeng Humayo). Thank you for all the guidance. I’m happy that you were able to explore this chapter in your life na retired kana from ABS as the president and CEO. So, now you are in this new phase in your life, bumalik ka na sa content creation and sa pag-aartista. I’m very proud of you and I love you,” ani Francis.
Mensahe naman ni Martin, “Mom, maraming salamat for everything. Sobra kaming thankful ni Kuya na ikaw ’yung mommy namin. Kahit na busy ka, alam naman naming na talaga naming lahat ng pagod mo, lahat ng pinagpupuyatan mo, lahat ng pinagtatrabahuhan mo, hindi lang para sa industriya siyempre pero para sa family natin. Hindi naming ito nasasabi sa iyo parati, pero sobra naming naa-appreciate lahat ng ginagawa mo, lahat ng nagawa mo, and lahat ng gagawin mo pa.
Hindi mo kailangang mag-sorry sa amin, kasi happy kami na nakikita kang happy. Maraming-maraming salamat, we love you. Iyon nga sabi mo magre-retire ka na, pero exciting kasi biruin mo Golden Lion sa Venice.”
Thankful naman si Charo sa kanyang mga anak. “Ang suwerte-suwerte ko dahil mababait ang mga anak ko. I know na marami akong pagkukulang sa kanila. You know, the time I spent at work was the time I didn’t spent with them. I hope that in the best way I can, I was a good mother to the both of you. I want you to know that I love you from the bottom of my heart,” sabi ni Charo.
Bukod sa mga anak at daughter-in-law, nag-guest din sa Magandang Buhay ang mga apo ni Charo na sina Julia at Talia, na nakipaglaro pa ng Pak Ganern sa kanilang lola at hinandugan pa ng kanta.
Samantala, mapapanood sa mga sinehan nationwide ang award-winning movie ni Charo, ang “Ang Babaeng Humayo,” simula Setyembre 28. Sa direksyon ito ni Lav Diaz at distributed ng Star Cinema. (GLEN P. SIBONGA)