Sampung katao ang napatay ng mga pulis sa magkakahiwalay na operasyon kontra droga at kriminalidad simula noong Huwebes ng hapon hanggang madaling araw kahapon sa Quezon City.
Anim sa mga suspek ay napatay sa isang naunsiyaming buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Novaliches Police Station bandang 7:45 p.m. sa Pasacola Area C, Barangay Nagkaisang Nayon.
Kinilala ng police ang mga nasawing salarin na sina Jonathan Abe alyas “Otik”, 36; Ronaldo Ceron alyas “Nano,” 46; Patricio Ledesma alyas “Patet”, 40; Ronnie Bardon, 27; Golder Almero, 37; at isang Leticia Pascion.
Sina Abe, Ceron and Ledesma ay kasama sa drug watchlist ng presinto at sumuko nang magsagawa ng Oplan Tokhang noong Hulyo, base sa record ng police.
Napag-alaman na bibili pa lamang ng droga ang isang pulis kina Ledesma at Ceron nang matunugan nila na alagad ng batas ang kanilang kausap.
Dahil dito, naalarma ang iba suspek na kasalukuyan noong nagsa-shabu sa kalapit na barong-barong. Bumunot umano ng mga baril ang mga suspek at pinaputukan ang mga pulis.
Gumanti ang putok ang mga operatiba at napatay ang anim na salarin. Na-recover sa mga napatay ang dalawang .45-caliber pistol, tatlong .38-caliber revolver, anim na pakete ng shabu at pera na nagkakahalaga ng P1,170. Nakuha din sa barong-barong ang iba’t ibang gamit sa pagsa-shabu.
Nabaril at napatay din ang dalawang hindi kilalang lalaki nang makipagbarilan sa mga tauhan ng Batasan Police Station (PS-6) na nagsagawa ng buy-bust operation laban sa isang “Momoy” bandang 12:30 a.m. kahapon sa Navarro Compound along Odonel St., Brgy. Holy Spirit.
Samantala, nasawi ang mga robbery suspek na sina Marlon Sarenio, 22, at John Paul Ocdina, 19 nang manlaban sa mga miyembro ng Masambong Police Sation na tumugis sa kanila matapos nilang hablutin ang cellphone ng isang babae.
Naganap ang shootout sa isang bakanteng lote sa northbound lane ng EDSA sa Barangay Ramon Magsaysay bandang 4 a.m. kahapon, ayon sa police report. (Vanne Elaine P. Terrazola)