MATAGAL nang lumalabas sa mga shows ng GMA-7 ang hunk na si Jak Roberto, pero ngayong taon lang siya naging sobrang busy.
Naging parte na noon si Jak ng mga programang “Walang Tulugan with the Master Showman,” “With a Smile,” “Ilustrado,” “The Half Sisters,” “Hanggang Makita Kang Muli” at sa ilang episodes ng “Maynila” at “Magpakailanman.”
Ngayon ay nabigyan na siya ng mas magandang exposure sa mga shows na “Dear Uge,” “Bubble Gang” at “URL: Usapang Real Love.”
Malaki raw ang kinalaman ng pagpapakita ni Jak ng kanyang six-pack abs sa malaking pagbabago ng career niya sa ngayon.
“Thankful ako na napapansin na nila ako. Kung hindi talaga sa abs ko, malamang hindi ako mabibigyan ng mga bagong shows.
“Gusto pala nila ng abs. Kung noon ko pa nalaman ‘yon, sana noon ko pa pinakita!” tawa pa niya.
Maituturing na isa sa paboritong hunks ngayon ng Kapuso network ay si Jak. Mula sa pagiging “one of those” ngayon ay bini-build up na siya bilang isang future leading man.
“Nagsimula lahat kasi noong mag-guest ako sa “Dear Uge” bilang si Berto. Doon ako unang naghubad at nagpakita ng abs.
“Kinatuwaan nila iyon kasi click sa audience ng show.’’
“Kaya from being a guest, naging regular na ako sa Dear Uge.
“Very thankful ako na worth it ang pagpapakita ko ng abs kasi nabigyan pa ako ng isa pang show, ito ngang URL kung saan third wheel ako sa BiGuel love team nila Miguel Tanfelix at Bianca Umali.
Pinaghirapan nga raw ni Jak ang kanyang six-pack abs at hindi iyon produkto ng muscle enhancing drug na steriods.
“Hindi ako apektado sa sinasabi nila na nag-steroids daw ako para ma-achieve ko ang six-pack abs. Hindi naman kasi totoo iyon.
“I go to the gym almost every day para mag-work out. Hindi raw dapat mawala ang mga abs ko or else wala akong trabaho!” malakas na tawa pa niya. (RUEL J. MENDOZA)