Isang barangay kagawad na hinihinalang tulak ng droga ang natagpuang patay kahapon ng umaga matapos siyang dukutin ng hindi kilalang kalalakihan sa Quezon City.
Kinilala ng pulis ang biktima na si Julius Dueñas, 37, isang kagawad ng Barangay Kamuning. Natagpuan ang kanyang duguang bangkay sa bangketa malapit sa Quezon City Post Office sa NIA Road sa Barangay Pinyahan dakong 4 a.m.
May dalawang tama siya ng bala sa ulo at isa sa kaliwang kamay. Nakatali ang kanyang mga kamay at paa ng black nylon strap.
Nakita sa tabi niya ang isa cardboard placard na may nakasulat na “Kagawad ako, pusher, wag tularan.” Natagpuan sa loob ng kanyang wallet ang P1,200 cash at apat na pakete ng shabu.
Ayon sa kanyang asawang si Diane, dinukot ng mga armadong lalaki si Duenas malapit sa Quezon City Jail sa Kamuning at sapilitang isinakay sa isang sasakyan bandang 10:45 p.m. noong Huwebes.
Ayon sa police report, itinuro si Duenas ng mga sumukong drug users na siyang nagbebenta sa kanila ng shabu. (Vanne Elaine P. Terrazola)