HINDI raw tama para kay Sharon Cuneta na basta na lang isinama ang pangalan niya sa listahan ng mga celebrity na nagsagawa ng concert sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Kabilang si Sharon sa mga artistang pinangalanan ng dating police officer at ngayo’y inmate na si Rodolfo Magleo sa testimonya nito sa pagharap sa hearing ng House Committee on Justice. Kasama rin sa pinangalanan nito sina Freddie Aguilar, Mocha Girls at Ethel Booba.
“It was so ridiculous. Sabi ko, talaga naman makagawa lang ng ano. E siguro nagbanggit lang ’yung tao na in-interview, ’Yung mga taong nagpupunta rito…’ Sabi ko, nagmagandang-loob na nga ako, kumanta pa nga ako. At ang banda ko, banda nila ha. Nakikanta ako habang nagbibigay kami ng something, mga gifts na dala namin,” sabi ni Sharon.
Paliwanag pa ng Megastar ang pagpunta raw niya sa Bilibid ay bahagi ng dati niyang talk show sa TV5 na “Kasama Mo Kapatid,” na nagkaroon ng isang episode tampok ang buhay ng inmates sa NBP. Sinuportahan lang daw niya ang outreach program para sa mga presong RockEd Philippines, isang volunteer group na nagbibigay ng alternative education. Bahagi rin nito ang pagkanta niya ng ilan sa kanyang hit songs.
Ito rin ang paliwanag ng asawa ni Sharon na si Senator Kiko Pangilinan sa inilabas nitong statement sa website nitong kikopangilinan.com noong Sept. 20 para ipagtanggol ang kanyang misis.
Ayon pa kay Sharon, wala raw siyang nakilala o na-meet na kabilang sa high profile inmates na tinaguriang drug lords sa Bilibid. Ngayon nga ay tinatawanan na lang ni Sharon ang isyung ito.
“It was so funny, that’s why it died right away. Hindi ko naman kailangang makipag-chummy-chummy sa mga drug lords, di ba?” biro pa niya.
Sa halip na ang pagkanta niya sa Bilibid, mas excited si Sharon na pag-usapan ang nalalapit niyang concert na “Sharon” sa Oct. 15 at 22 sa The Theatre sa Solaire Resort and Casino. Ito kasi ang muli niyang pagbabalik sa concert scene. Taong 2012 pa raw kasi nang huli siyang mag-concert. “You know, excited ako kasi ’yung venue hindi siya kaliitan, hindi rin siya kalakihan, so this is what I call an intimate concert and this is what I need at this point in time. It’s a beautiful theatre. It holds about almost two thousand people. It’s not just going to be a night of music, pero it’s going to be a show because I’m really happy. When I’m happy, I’m funny. So, I like that, I like having that rapport with an audience.’’
Special guest ni Sharon sa concert ang kanyang anak na si Frankie Pangilinan gayun din ang lahat ng The Voice Kids contestants na kabilang sa Team Sharon. Si Paolo Valenciano ang magdidirek ng concert habang si Louie Ocampo naman ang musical director. (GLEN P. SIBONGA)