Nagsasagawa na ngayon ang Quezon City Police District ng manhunt operation upang hanapin ang isang driver ng sasakyan na bumaril at sumagasa umano sa isang traffic enforcer sa Quezon City noong Biyernes.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ernesto Paras Jr., 41, at residente ng Barangay Fortune sa Marikina City at naka-assign bilang traffic enforcer sa Barangay Silangan.
Base sa kuha ng isang closed circuit television camera sa pinangyarihan ng krimen, nag-iikot noon si Paras sa kaniyang area ganap na 11:04 a.m. nang mapansin nito ang isang itim na Honda Civic na may license plates ZNH 321 na iligal na nakaparada sa isang sidewalk.
Nang hindi makita ni Paras ang driver ng sasakyan, nagdesisyon ito na tanggalin ang plate number ng naturang sasakyan.
Hindi kalayuan sa sasakyan ay nandoon pala ang driver ng na nakikipag-usap sa isang truck. Agad na nilapitan ng suspek ang traffic enforcer at nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa.
Dali-dali naman na nagtungo ng kaniyang sasakyan ang suspek kung saan nito kinuha ang baril na kaniyang ginamit para paputukan si Paras.
Matapos ito ay nagawa pang sagasaan ng suspek ang pobreng biktima hanggang sa tumalilis ito palayo sa lugar ng krimen.
Naitakbo pa si Paras sa Quezon City Memorial Medical Center kung saan namatay din ito dahil sa dami ng tama ng bala.
Inaalam na ang pagkakakilanlan ng suspek base sa license plate na nakuha sa lugar. (Vanne Elaine Terrazola)