Simula ngayong Lunes, paiigtingin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng mga batas laban sa pagkakalat at jaywalking para maibalik ang kaayusan at kalinisan sa metropolis.
Ayon kay Francis Martinez, MMDA Parkway Clearing Group head, ikakalat sa buong Metro Manila ang 250 environmental enforcers, anti-jaywalking unit at roadside clearing group members, na nakasuot ng dilaw na shirt at vest, para arestuhin ang mga lalabag sa batas. Itatalaga ang mga environmental enforcers sa mga critical areas tulad ng Monumento, Balintawak, SM North-Edsa,Quezon Avenue, Cubao, Ortigas, Shaw Boulevard, Guadalupe, at Edsa-Taft Avenue.
Sinabi ni Betty Gendeve, MMDA health program officer, na may dalawang pagpipilian ang mga mahuhuling violator ng batas: magbayad ng multang P500 o magsagawa ng tatlong oras na community service. Binalaan ni Gendeve ang publiko na hindi makakakuha ng National Bureau of Investiagtion (NBI) clearance ang mga violator na tatakbuhan ang parusa. (Anna Liza Villas-Alavaren)