Patay ang tatlong miyembro ng Sigue-Sigue Commando gang nang makipagbarilan sa mga pulis matapos silang makitang nagsasa-shabu sa Parola Compound, Binondo, Manila, Sabado ng hapon. Kinilala ng police ang mga napatay na sina Raymond Morales, nasa edad 33; Jomar Gamao, 40; at Ernesto Francisco, 36.
Base sa police report, nakatanggap ng impormasyon ang San Nicholas Police Community Precinct (PCP) na kasalukyan umanaong sumisinghot ng shabu ang tatlong lalaki sa Area H, Gate 56 of Parola Compound, dakong 1:30 p.m. Inutusan ni Chief Inspector Fernando Reyes, San Nicholas PCP chief, sa mga hepe ng station anti-illegal drugs at intelligence teams na kumpirmahin ang report. Ngunit nang dumating ang mga pulis sa lugar ng mga suspek, pinaputukan sila ng baril ni Morales.
Agad na gumanti ang mga alagad ng batas at napatay si Morales. Tumakbo naman sina Gamao at Franciso at napatay din nang makipagbarilan sa mga humahabol na pulis. Na-recover sa pinagyarihan ng insidente ang tatlong .38-caliber revolver, walong pakete ng hinihinalang shabu, at anim na basyo ng bala ng 9mm pistol. Dinala ang mga bangkay ng tatlo sa St. Yvan Funeral Homes para ma-autopsy. (Jaimie Rose R. Aberia)