Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang isang baka na matagal nang inirereklamo ng mga motorista dahil sa sagabal na naibibigay nito sa kahabaan ng Panacan highway sa Davao City.
Ayon kay City Transport and Traffic Management Office chief Rhodelio Poliquit, nagdesisyon na silang hulihin ang mga baka na sa tuwing umaga umano ay nagdudulot ng potensyal na panganib sa mga motorist.
Ani Poliquit, tatlong baka ang inireklamo ng mga motorista na madalas gumala sa naturang highway.
“There are at least two more. We only caught one of them,” said Poliquit.
Ang ginawang pagdarakip ay base sa reklamo na natatanggap ng City hall.
Hindi pa sumisipot ang may-ari ng mga baka ngunit tiniyak ni Poliquit na mananagot ito sa reklamo na kanilang tinanggap.
“The owner will be fined under the Comprehensive Traffic Code,” ani Poliquit.
Base sa city traffic ordinance, nahaharap sa multang R200 ang may-ari bukod pa sa karagdagang P1,500 na storage fee at towing services.
Samantala, isang rare short-finned pilot whale ang natagpuang patay sa Kadatu Beach sa Davao City.
Base sa pag-aaral dito ni Darrell Blatchley, isang marine mammal beaching expert at curator ng D’Bone Collector Museum, ang pagkain ng laruang Lego at isang piraso ng metal ang ikinamatay nito.
Natagpuan ang mga nasabing foreign objects sa katawan ng naturang pilot whale.
Tinatayang aabot sa 400 kilograms ang timbang ng pilot whale at sinasabing nasa halos isang linggo nang patay.
Dinala ang kalansay ng pilot whale sa Bone Museum kung saan ito inaasahang muling bubuuin at isasama sa kanilang mga sea creature displays. (YAS D. OCAMPO)