DAVAO CITY – Isang warrant of arrest ang ihahain kay self-proclaimed Davao Death Squad hitman Edgar Matobato matapos hindi ito sumipot sa nakatakdang hearing kahapon.
Nahaharap si Matobato sa kasong violation of Republic Act 10591 or illegal possession of firearms sa Municipal Trial Court Branch 3.
Ayon kay Judge Silverio Mandalupe, kanilang kakanselahin ang bail bond ni Matobato dahil sa hindi nito pagsipot sa hearing ng kaso.
Sinampahan si Matobato ng nasabing kaso matapos mahulihan ito ng .45 pistol na walang permit noong June 2014.
Naging kontrobersiyal si Matobato matapos idiin nito si Pangulong Rodrigo Duterte at anak nito na si current Davao City vice-mayor Paolo Duterte na nasa likod umano ng kinatatakutang Davao Death Squad o DDS.
Ang DDS ang sinasabing nasa likod umano ng mga Extra Judicial Killings o pagpatay sa mga pinaghihinalaang adik at pusher na nasa Davao City.
Sa mga nakaraang senate hearings ay iginiit ni Matobato na ginamit din umano ng mag-ama ang DDS sa panggigipit nito sa kanilang mga kalaban.
Bukod sa kasong illegal possession of firearms ay nahaharap din si Matobato sa kasong frustrated murder na isinampa noong September 23 sa Davao del Sur. (Yas D. Ocampo)