Bacolod City – Itinanggi ng isang dating gobernador na sangkot siya sa anumang plano na magpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay dating Negros Occidental governor Rafael Coscolluela, hindi totoo na sumama siya sa isang grupo na nagnanais magsagawa ng mga anti-Duterte movement sa kanilang rehiyon.
“I have not and never will be part of a destabilization group against President Duterte,” ani Coscolluela.
Kumalat ang balita na matapos ibunyag umano ni PDP Laban secretary general for Negros Island Region Yves Akol na magsasanib umano sina Coscolluela at isa pang dating governor na si Daniel Lacson, Jr. para bumuo ng grupo kontra Duterte.
Nagkita umano ang dalawang dating governors sa isang restaurant sa Bacolod City upang pulsuhan ang residente ng kanilang probinsiya.
Itinanggi din naman ni Akol ang online reports ukol sa ginawa niyang pagbubunyag sa pagpupulong umano nina Coscolluela at Lacson.
Kilala ang Negros Occidental bilang teritoryo ng mga Liberal Party bets sa pangununa ng presidential candidate nito na si dating senador at cabinet secretary Mar Roxas.
Sa ngayon ay ilang mga local officials ang tila balisa matapos ipahayag ni Duterte na kaniyang plano na pangalanan pa ang ilan sa mga ito na sangkot umano sa narco-politics ng bansa. (Edith B. Colmo)