Itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration ang public storm warning signal No. 1 sa ilang lugar sa Northern Luzon nang maging ganap na tropical depression ang low pressure area sa silangan ng Batanes at ito ay pinangalanang “Julian.”
Nakataas ang storm signal sa Batanes, northern Cagayan, kasama ang Babuyan Group of Islands, Apayao, at Ilocos Norte.
Makakaranas ng moderate to occasional heavy rains na may gusty winds ang mga naturang lugar.
Kahapon ng 10 a.m., namataan si Julian sa layong 465 kilometers east-southeast ng Basco, Batanes at may taglay na maximum sustained winds na 45 kilometers per hour at gustiness na umaabot sa 55 kph.
Sinabi ni PAGASA weather forecaster Benison Estareja na kumikilos si Julian pakanluran sa bilis na 25 kph. Tinatayang nasa vicinity ng Batanes at Babuyan Group of Islands ang bagyo ngayong umaga at 65 kms north-northeast ng Calayan, Cagayan ngayong gabi.
Samantala, cloudy skies na may light to moderate rains at isolated thunderstorms ang mararanasan ng Metro Manila at iba pang lugar sa bansa ngayong araw. (Ellalyn B. de Vera)