Tatlong magkakapatid na lalaki na umanoy sangkot sa illegal drugs ang napatay nang manlaban umano sa mga pulis sa Tondo, Manila, kahapon.
Kinilala ng police ang magkakapatid na napatay na sina JC, 33; Dominador, 28; at Arman Morales, 26, vegetable porters sa Divisoria Market.
Dead on the spot silang lahat dahil sa tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsagawa ang anti-illegal drugs unit ng Meisic Police Station ng “One-Time-Big-Time” operation sa kahabaan ng San Miguel road sa Delpan, Tondo, Manila, bandang 11:30 a.m.
Bago pa man makapasok ang mga operatiba sa bahay ng mga Morales, sinalubong agad sila ng mga putok ng baril, dahilan para mapilitang gumanti ang mga pulis.
“Pag-attempt pa lang namin na buksan ang pinto, nagpaputok na agad ‘yung isa. Not knowing na may kasama pa pala sa loob, pagpasok ng tropa, nanglaban na ‘yung iba,” sabi ni Chief Supt. Amante Daro.
“Actually, pusher lang ang mga ito. May target talaga kaming tao. Unfortunately wala sya dito,” dagdag niya. Na-recover ng mga operatiba sa mga napatay ang tatlong .38-caliber revolvers, 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P150,000.
Ayon kay Daro, ginamit ng drug den ang bahay ng mga Morales base na rin sa mga drug paraphernalia na nakuha sa loob.
Samantala, 68 kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa illegal drugs ang hinuli sa naturang operasyon. Dinala sila sa Delpan Sports Complex. (Analou De Vera)