UNANG pangarap ng 18-year old T.O.P. (Top One Project) member na si Adrian Pascual ay ang maging isang actor sa TV at pelikula.
Pero ang mag-audition para sa bubuuing bagong boy band ang GMA-7 ang sinubukan ni Adrian.
Mabuti na lang at sinuwerte siyang manalo kasama ang ibang winners na sina Louie Pedroso, Miko Manguba, Mico Cruz at Joshua Jacobe.
“Gusto ko po talaga ang mag-artista. Pero nag-decide ang manager ko na isali ako sa boy band search ng GMA last year na ‘To the Top’.
“Parang sinubukan lang namin. Hindi ko naman po inasahang isa po ako sa mananalo.
“Kaya laking pasasalamat ko rin na dumaan ako sa matinding training ng ‘To the Top’ kasi mas lumabas ang pagiging singer and performer ko,” kuwento pa ni Adrian.
Last September 28 ay nag-celebrate ang T.O.P. ng kanilang first anniversary sa showbiz. At bilang pasasalamat nila sa kanilang supporters, magkakaroon sila ng first big concert sa Music Museum on October 28 titled “T.O.P. The Concert” kung saan special guests nila sina Aicelle Santos at Kim Domingo.
Nasa matinding preparation ang grupo dahil first time nilang magpe-perform sa isang malaking venue.
“Each of us may solo numbers. Most of our songs are medleys kaya importante na in harmony kami parati.
“Tapos po may song numbers kami with Ms. Aicelle and with Ms. Kim,” ngiti pa ni Adrian.
Kahit busy, hindi pinapabayaan ni Adrian ang kanyang pag-aaral sa University of Santo Tomas kung saan tine-take up niya ang course na A.B. Communication.
“Kahit na po puyat ako from a show, pipilitin ko pa ring pumasok.
“Ayokong mahuli sa mga lessons at iniiwasan ko ang magkaroon ng maraming absences.
“Sa U.S.T. pa naman, walang special treatment kahit na working student ka,” diin niya.
Walang girlfriend si Adrian at nakabubuti raw iyon dahil hirap na raw siyang pagsabayin ang trabaho at pagpasok sa school.
“Mahirap pong magkaroon ng girlfriend ngayon kasi wala po akong time na maibibigay.
“Kaya mas okey na wala muna para trabaho ang focus natin.” (RUEL J. MENDOZA)