Patay ang isang pulis samantalang sugatan ang apat na pasahero pagkatapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang lalaki ang kanilang sinasakyang jeepney sa Quezon City noong Biyernes.
Kinilala ng Quezon City Police District ang napatay na pulis na si PO3 Abdul Nuruddin, 55, resident ng Maguindano St., Salaam Mosque Compound, Barangay Culiat, Quezon City at naka-assign sa QCPD Headquarters Support Unit.
Ang mga sugatan ay nakilalang sina Jayson Garcia, 23; Andrea Leal, 25; Robelyn Salenda, 36; and Armando Mariña, 30.
Ayon sa imbestigasyon ng QCPD, nakasakay ang lima sa isang passenger jeepney na may license plates PWY-763 papuntang Quirino Highway nang tumigil ito sa harap ng isang fastfood chain sa Commonwealth Ave.
Bumaba ang limang armadong lalaki na nakasuot ng face masks sa isang black SUV na nakaparada malapit sa fastfood chain.
Lumapit ang mga suspect sa biktima na nakauniporme ng pulis at pinagbabaril. Nagtamo ng sugat ang apat na katabi ng biktima dahil sa mga ligaw na bala.
Tumakas ang mga suspect dala ang baril ng biktima sakay ng kanilang SUV.
Dinala ng jeepney driver ang lima sa New Era General Hospital sa Quezon City kung saan idineklarang patay si Nuruddin dahil sa mga tama ng bala nito sa katawan.
Inilipat pagkaraan ng ilang oras sina Garcia, Leal, Salenda, at Mariña sa East Avenue Medical Center sa Quezon City kung saan sila nagpapagaling.
Napagalamang dating naka-assign si Nuruddin sa QCPD Talipapa station pero siya, kasama ang kanilang hepe at ilan pa, ay narelieve noong August dahil sa kanilang pagkakasangkot umano sa illegal drugs.
Inaalam na ng QCPD ang motibo ng pagpatay. (Vanne Elaine P. Terrazola)