DARAGA, Albay – Patay ang isang incumbent barangay chairman matapos manlaban umano ito sa isang buy-bust operation ng pulisya Martes ng hapon.
Kinilala ni chief inspector Art Gomez, Provincial Investigation and Detection Management Section (PIDMS) at hepe ng Albay Provincial Police Office (PPO) ang napatay na barangay official na si Rommel Marticio, barangay captain ng Brgy. Inarado, Daraga, Albay.
Ayon kay Gomez, isa si Marticio sa kinukunsiderang high value target o HVT ng Albay police dahil sa pagkakasangkot nito sa illegal drugs.
Dagdag pa ni Gomez, minsan nang sumuko si Marticio sa Daraga police nang simulan nito ang “Oplan Tokhang” sa kanilang nasasakupan.
Narekober kay Marticio ang isang caliber .38 na baril.
Samantala ibinunyag naman ni Bicol PNP regional director Chief Superintendent Melvin Ramon Buenafe na mayroon na silang naitatalang 46,000 na drug personalities sa kanilang probinsya.
Six hundred sa mga ito ang naaresto na habang 62 ang napatay sa magkakahiwalay na police operations.
Four hundred naman sa mga ito ay mga civil servants o elected officials ng rehiyon. (Niño N. Luces)