Isang hinihinalang drug pusher ang binaril ng kanyang kliyente matapos niya itong bentahan ng pekeng “shabu” sa Quezon City noong Huwebes ng hapon.
Kasalukuyang ginagamot si Alvin Montalban alias “Manoy,” 34, sa East Avenue Medical Center matapos siyang barilin ni Joey Raquel alias “Joey Vulcanizer”, 37, na pinagbilhan niya ng dinurog na menthol candy sa halip na shabu.
Ayon kay Supt. Lito Patay, chief ng Batasan Police Station (PS-6), kapuwa nasa kanilang drug watchlist sina Montalban at Raquel.
Base sa police report, binaril ni Raquel si Montalban sa likod bandang 1:30 p.m. noong Huwebes sa tapat ng isang canteen sa Saint Vincent Street, Barangay Commonwealth.
Nang madakip ng police, inamin ni Raquel na binaril niya si Montalban matapos niyang malaman na ang binili niyang “shabu” mula sa biktima ay isa lang palang dinurog na menthol candy.
Nakumpiska ng mga pulis kay Raquel ang isang improvised pen gun na kargado ng bala para sa .38-caliber revolver at isang maliit na pakete ng shabu.
Nakakulong ngayon ang suspek sa police station at nakatakdang sampahan ng frustrated homicide at illegal possession of firearm and illegal drugs. (Vanne Elaine P. Terrazola)