Nagpositibo sa illegal drug use ang 28 local officials ng San Juan City sa isinagawang tatlong araw na mandatory drug test para sa lahat ng elected barangay officials at tanod sa iba’t ibang barangay ng lungsod kamakailan, ayon kay Mayor Guia Gomez.
Sinabi ng alkalde na maaaring madagdagan pa ang bilang na ito dahil sa patuloy na isinasagawang mandatory drug testing ng pamahalaang lungsod.
Ipinagdiinan niya na hindi niya papayagan ang ganitong uri ng mga empleyado kung kaya’t kinakailangan silang alisin sa serbisyo.
“Ang mga opisyal na ito ay dapat magsilbing modelo at pamarisan ng kanilang pinamumunuan bilang isang mabuting huwaran lalo na sa paglaban sa illegal na droga,” sabi ni Mayor Guia.
Dagdag pa niya na target nilang maging drug-free city ang San Juan sa loob ng isang taon. (Madelynne Dominguez)