Masarap sa pakiramdam ni Sylvia Sanchez na nakatutulong siya sa pagpapalaganap ng awareness sa Alzheimer’s disease sa pagganap niya bilang Gloria, isang nanay na may ganitong sakit sa ABS-CBN afternoon teleseryeng The Greatest Love.
“Bilang Gloria, gusto kong magampanang mabuti ito para sa mga pamilyang may ganitong sakit yung kapamilya nila. At sa mga viewers na alam mo yun, para maging aware sa ganitong sakit, mas lalo natin maintindihan at mahalin yun,” sabi ni Sylvia.
Nagpapasalamat si Sylvia na sa kanya napunta ang challenging role na ito. “Noong sinabi sa akin ni Miss Ginny (Ocampo, business unit head) na yung role na ito is about Alzheimer’s, minahal ko agad yung role. Unang-una dahil nanay siya and nanay ako. So noong sinabi na sa akin, aaminin ko, ipinagdasal ko talaga na maging akin yung role.
Gabi-gabi, nagsisindi ako ng kandila na akin yung role, makuha ko ito, kasi challenge ito para sa akin bilang artista.’’
Hindi nga maiwasang maging emosyonal ni Sylvia sa tuwing ikinukuwento niya ang naging karanasanan niya sa pakikipag-usap sa isang Alzheimer’s patient bilang paghahanda sa pagganap sa kanyang karakter.
“Inaamin ko na kulang ang kaalaman ko sa Alzheimer’s kaya importanteng makausap ko ang isang nanay din na may Alzheimer’s. Para malaman ko kung paano sila umiyak, kung paano sila magwala,” ani Sylvia.
Kuwento pa niya tungkol sa pasyente, “Noong sinabi ko ako si Sylvia, sinasabi niya na ako si Sylvia La Torre.”
Wish nga niya na hindi siya magkaroon ng Alzheimer’s. “Ayaw kong mangyari sa akin iyon, nakakatakot,” aniya pa.
Mapapanood ang The Greatest Love mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Doble Kara sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
(GLEN P. SIBONGA)