NATUTUWA si Jake Cuenca dahil magkakaroon na ng commercial screening simula sa Nobyembre 2 ang award-winning movie niyang “Mulat,” ang first full-length movie ng writer-director na si Diane Ventura.
Proud si Jake sa pelikulang ito dahil ito ang nagbigay sa kanya ng dalawang Best Actor awards sa international film festivals. Unang nanalo si Jake bilang Best Actor sa 2014 International Film Festival Manhattan (IFFM), kung saan pinarangalan din si Diane bilang Best Director for a Global Feature. Ang second Best Actor award ni Jake ay tinanggap niya sa World Cinema Festival Brazil (WCFB) noong Mayo 2016 at nanalo rin dito ang “Mulat” ng Best Narrative Feature award.
Bukod kay Jake, bida rin sa pelikula sina Loren Burgos at Ryan Eigenmaan. Isa itong psychological thriller tampok ang love triangle sa pagitan ng misteryosang babaeng si Sam (Loren), ng fiance niyang si Vincent (Ryan) at ng bagong lalaki sa buhay niyang si Jake (Jake).
Ayon nga kay Jake, “Matagal na naming ginawa yung movie pero hanggang ngayon nananalo pa rin ng awards yung movie.
Masasabi ko sa project kakaiba siyang love story. It’s something that you wouldn’t expect in a love story. Definitely throughout the movie parang tatanungin mo, ‘Ano ba talaga ang nangyayari rito?’ And then in the end magugulat kayo sa revelation at situwasyon ng characters. Kakaiba siya kaya siguro nananalo siya ng awards sa ibang bansa. Masasabi kong wala pang katulad na ganitong pelikula na napanood ko sa States at saka dito.”
Umaasa naman si Jake na ma-appreciate ng mga Pinoy ang “Mulat.” “Ako, for local moviegoers, siyempre inaanyayahan ko ang mga taong manood talaga ng indie film. Hindi lang ng pelikula namin kundi lahat ng indie, kasi doon mo makikitang lahat ng kakaibang konsepto. Parang I tell people to watch indie to get educated, as well. Kasi minsan nasanay na tayo sa TV and sa commercial films. Pero ang indie movie it’s a totally different perspective, hindi mo na iniisip yung blockbuster appeal, hindi mo na iniisip ang pera. Ang gusto mo lang talaga ay ikuwento ang pelikulang nagawa mo.
It’s educating them with something new. Maganda rin na nakakakita tayo ng kakaibang bagay. Kasi bilang artista, kaya gusto namin ang indie movie kasi dito kami nakakapag-eksperimento.”
Matutuwa naman ang mga manonood ng “Mulat” sa sinehan dahil may bonus movie pa silang mapapanood, ang “The Rapist,” ang short film at first directorial project ni direk Diane. (GLEN P. SIBONGA)