ALCANTARA, Romblon (PIA) – Naglaan ngayong taon ang Department of Transportation (DoTr) ng mahigit P40.5 milyon para sa rehabilitasyon ng runway ng Romblon Airport na nakabase sa Bgy. Tugdan sa bayang ito.
Ang pagsasaayos ng runway sa naturang paliparan ay bahagi ng P1.1 bilyon halaga ng proyekto ng DoTr para sa pitong airports sa buong bansa.
Kabilang dito ang General Santos International Airport, Calbayog Airport, Sanga-Sanga Airport, Catarman Airport, Siquijor Airport at Ozamiz Airport na pinondohan ng pamahalaang nasyunal upang mapaganda ang runway at pasilidad ng mga ito.
Kaugnay nito, binuksan na ng DoTr ang bidding ng nasabing proyekto sa mga contractor kung saan hanggang sa ika-9 ng Nobyembre maaring magsumite ng bid documents ang mga interesadong bidders.
Inaasahang masisimulan ang pagpapatupad ng nasabing proyekto bago magtapos ang taong kasalukuyang o posibleng sa unang quarter ng susunod na taon.