Hindi pa tapos ang bakbakan nina Ricky Vargas at Peping Cojuangco.
Ito ay matapos na ang grupo ng boxing chief ay kumuha ng mga pribadong abogado para sa gawin nitong counter-measure kung sakaling muling mabasura ang kanilang apela para mabaliktad ang naging desisyon ng election committee na nagdiskuwalipika kay Vargas sa pagtakbo bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC).
Sinabi ni Chito Salud, dating PBA commisioner at abogado at spokesperson ni Vargas, na kinuha nila ang serbisyo ng Angara Abello Concepcion Regala & Cruz (ACCRA) Law office, ang kompanya na binuo nina Sen. Sonny Angara, upang humanap ng lahat ng legal na paraan hinggil sa isyu sa diskuwalipikasyon kay Vargas.
“We engaged the services of ACCRA just today (yesterday) for the purpose of determining the correct move our group is going to make if the POC’s election committee decides to deny our appeal,” sabi ni Salud.
Una na nagsumite ang PLDT executive ng pormal na protest/motion for reconsideration sa POC election committee matapos na ang komite na pinamumunuan ni dating International Olympic Committee representative Frank Elizalde ay idineklara itong ineligible na tumakbo sa Nob. 25.
Ipinaliwanag ni Elizalde na ibinase nila ang diskuwalipikasyon sa dahilan na hindi nagawa ni Vargas makumpleto ang requirement na “active membership” sa POC general assembly. (Angie Oredo)