HINDI nag-alangan at nagdalawang-isip ang Kapamilya actor na si Khalil Ramos na tanggapin ang kanyang kauna-unahang gay-themed movie, ang “2 Cool 2 Be 4gotten,” dahil secure naman daw siya sa kanyang pagkalalaki. Ang pelikula na idinirehe ni Petersen Vargas ay isa sa pitong entries sa Narrative Feature Category ng Cinema One Originals Festival 2016.
Ayon pa kay Khalil, katuwang naman daw niya ang kanyang handler sa Star Magic sa pagtanggap sa role. “Kasi ang process nun, ibibigay yung script tapos sabay kami magbabasa ng handler ko. So, bale siya yung point of view niya as a handler na kung ano yung bawal, kung okay ba sa career ko, kung ano yung ganun. So, wala naman siyang nasabing masama sa script, kaya tinanggap namin.”
Malaking hamon nga para kay Khalil ang kanyang closet gay role. “For me it’s challenging since first time nga. Masaya naman (ang experience ko). The story revolves around a high school student na anti-social, wala siyang kaibigan.
Bigla siyang may na-meet na dalawang Fil-Am at nagbago bigla yung buhay niya. Umabot sa point na kinukuwestiyon niya yung gender niya. Confused talaga siya, sobra.”
Nag-enjoy naman daw si Khalil sa paggawa ng pelikulang ito. “Of course, working with direk Petersen was a very good experience, also working with the whole cast and crew. Kinukuha niya yung creative inputs namin which is very nice. So talagang naramdaman namin na nag-contribute kami sa film.”
Kasama ni Khalil sa “2 Cool 2 Be 4gotten” ang mga baguhang aktor na sina Jameson Blake at Ethan Salvador, na gumanap bilang dalawang Fil-Am. May intimate at sensitive scenes daw si Khalil sa dalawa. “Merong sensitive scenes. Pero hindi naman extreme, hindi naman sobrang extreme. Pero yeah may sexual tension.”
Ang Cinema One Originals ay mapapanood mula Nobyembre 14 hanggang Nobyembre 22. Gaganapin ang screenings sa Trinoma, Glorietta, Gateway, Greenhills at Cinematheque.