Hinihintay ng Philippine Sports Commission (PSC) ang magiging kaganapan sa nalalapit na eleksiyon sa Philippine Olympic Committee (POC) na nahaharap sa matinding hamon matapos madiskuwalipika ang kumakandidato sa pampanguluhan na si Ricky Vargas.
Ito ay matapos makakuha mismo ng dokumento ang ahensiya ng gobyerno mula sa website ng International Olympic Committee na nagbibigay ng malaking pondo para sa opisyales ng POC at mga nagsipagkuwalipika na kabuuang 13 atleta sa ginanap na 2016 Rio De Janeiro Olympics.
“We are anxiously waiting for what the Vargas camp is going to do next. Whether they will bring the issue to our court of law or file a protest in Lausanne. And if worse comes to worst, POC will be suspended (as NOC), then that’s when we come in,” pahayag ni PSC Commissioner Ramon Fernandez sa Sun.Star Cebu.
Nakuha naman ni Fernandez ang dokumento sa IOC website na naglilista ng pondong ibinigay ng IOC sa mga miyembro nitong National Olympic Committee, na kinabibilangan ng POC.
Nakasaad sa data na nagbigay ang IOC ng $16,000 sa mga NOCs bilang logistical costs para sa pagpapadala ng mga atleta sa Rio Olympics, $10,000 kada isa sa NOC president at secretary general para sa transportasyon, at $2,500 kada isa sa mga atletang nagpartisipa.
Matatandaang nagbigay si Pangulong Duterte sa buong delegasyon ng pabaon na $5,000 kada isa sa mga kasamang opisyales at $3,000 kada isang atleta maliban pa sa itinakdang pondo ng PSC na R30-milyon panggastos sa delegasyon. Umabot sa mahigit 20 ang kasamang opisyales habang 13 lamang ang lumahok na atleta.
“These are real figures…and the PSC gave POC funding, which until now they failed to liquidate. That is why we are also interested on what will happen to their election because somehow we can start the change from there. But now that they had played their cards, personally I want the POC to be suspended by the IOC,” sabi pa ni Fernandez.
(Angie Oredo)