Nahaharap sa panibagong kaso ang isang inmate ng Pasay City Jail matapos makumpiska sa kanya ang pitong plastic sachets na may shabu residue sa isinagawang “Oplan Greyhound” ng jail officials kahapon.
Kinilala ni jail warden Chief Inspector Glennford Valdepenas ang inmate na si Andrew Barotel, miyembro ng Sigue Sigue Sputnik gang na may kasong illegal possession of firearms.
Nagsagawa ang mga tauhan ng Jail Management and Penology (BJMP) sa Pasay City ng biglaang pangagalugad sa 2nd, 3rd at 4th floors ng city jail kung saan nakakulong ang Sigue Sigue bandang 9:20 a.m..
Ayon kay Valdepenas, natagpuan ang plastic sachets sa selda ni Barotel sa 3rd floor. “Ilang beses na kami nagka-conduct ng surprise operation this month and ito ngang latest ay nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga kontrabando,” pahayag ni Valdepenas. (Martin A. Sadongdong)