ODIONGAN, Romblon (PIA) – Ang Romblon Provincial Hospital (RPH) ay magsasagawa ng libreng gamot at libreng operasyon para sa mga bingot (Cleft Lip) at ngongo (Cleft Palate) sa Nobyembre 13-16 sa bayan ng Odiongan.
Layunin ng pamunuan ng ospital na makapaghatid ng serbisyong totoo na may puso at maibigay ang bagong ngiti sa mga labi ng batang nagtataglay ng ganitong uri ng kapansanan.
Batay sa pag-aaral, maituturing na isang global crisis ang pagkakaroon ng mga batang ipinanganak na may cleft lip at cleft palate kaya iniaalay ng pamahalaang panlalawigan at pamahalaang bayan ng Odiongan ang libreng surgery operation para sa mga bata.
Ang nasabing operasyon ay aabutin lamang ng 45 minuto at makapagbibigay na ito ng panibagong pag-asa para sa pasyente upang harapin ang kinabukasan na may ngiti sa kanyang mga labi.
Pinapayuhan ang mga pasyenteng sasailalim sa operasyon na magpatala ng maaga dahil kinakailangan nilang mai-admit sa RPH sa ika-13 ng Nobyembre para isagawa ang surgery operation.
Ang libreng operasyon ay malaking tulong sa mga taga-Romblon na mayroong cleft lip and cleft palate na nais maisayos ang kanilang kapansanan.
Para sa karagdagang impormasyon at katanungan, maaaring tumawag o magtext sa 0917-4120914 at hanapin lamang si Nurse Maey Padilla.