ANTIPOLO, Rizal (PNA) – Nakapagtala ng mahigit 1,500 na trapped dogs ang City Veterinary Office ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares.
Aktibong ipinapatupad ang Dog Trapping Program sa 16 barangay sa lungsod bilang kampanya laban sa rabies at pagsusulong ng tamang pangangalaga.
Ayon kay Mayor Ynares, malaking tulong ang animal control upang maiwasan ang pagkakaroon ng rabies kaya naman patuloy ang pamahalaang lokal sa pagsasagawa ng mga dog trapping operations. Ganunpaman, hinihiling pa din niya ang kooperasyon ng mga pet owners na maging responsable sa kanilang mga alaga.
Sa halip na magsagawa ng euthanasia, mas binibigyang pansin ng pamahalaang lokal ang pagpapaampon sa mga asong walang nagmamay-ari. Sa kasalukuyan mahigit 60 aso na ang naipaampon. Kailangan namang sumailalim sa proseso ng interbyu sa City Veterinary Office ang taong gustong mag-adopt ng aso.
Samantala, ilalagay sa tatlong araw na kustodiya ng pamahalaang lokal ang mga asong mahuhuling palaboy-laboy sa kalye. Kakailanganing magmulta ng halagang R500 o magsagawa ng community service sa loob ng walo na oras ang may-ari ng asong nahuli upang maisauli sa kanya ang kanyang alaga.