Itinumba ng dalawang nakamotorsiklong lalaki ang isang anti-smoke belching officer habang nagsasagawa ng operasyon ang kanyang grupo sa Pasay City kahapon ng umaga.
Ayon kay Chief Inspector Rolando Baula ng Pasay City Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), dead-on-the-spot si Ramil Co, assistant team leader ng city police’s Anti-Smoke Belching Unit (ASBU), dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Sinabi ni Baula na nagsasagawa ng anti-smoke belching operation si Co at ang kaniyang team sa Barangay 76, Roxas Boulevard, Pasay, bandang 11:30 a.m. nang dumating ang mga suspek.
“Maya-maya, habang nakaupo ito at nag-re-range ng ASBU machine, biglang dumating ‘yung mga suspek sakay ng pulang motorsiklo, tapos ‘yung backrider bumaba at nilapitan ‘yung biktima at pinagbabaril,” sabi ni Baula.
Sinabi ng witnesses na nakarining sila ng anim na putok ng baril bago nila nakita ang mga salarin na tumatakas sakay ng motorsiklo patungong northbound lane ng Roxas Boulevard.
“Sa ngayon, nagko-conduct pa tayo ng in-depth investigation pero maaaring siya talaga ang target dahil malapitan siyang binaril eh,” pahayag pa ni Baula.
Sinabi naman ni Jayson Go, driver ng isang closed van, na nakasuot ng helmet, bonnet at jacket ang bumaril sa biktima.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya ngunit isang witness ang nagsabi na bago naganap ang pamamaril, nakipagtalo si Co sa isang driver dahil sa anti-smoke belching operation. (Martin Sadongdo)