Dalawampu’t tatlong bahay ang nasira samantalang 4,200 na pamilya ang apektado ng flashfloods na tumama sa anim na barangay sa Kalamansig, Sultan Kudarat noong Sabado ng gabi.
Ayon kay Mayor Ronan Garcia ng Kalamansig, umapaw ang Limulan River dahil sa walang tigil na pagulan na dulot ng intertropical convergence zone.
Dahil dito, nagkaroon ng flashflood na tumama sa Barangay Poral, Obial, Limulan, Sta. Maria, Hinalaan, at Cadiz.
Nadamay din sa pagbaha ang Barangay Salaman at Poloy-Poloy sa karatig na bayan ng Lebak.
Sinabi ni Garcia na mahigit 4,200 families ang apektado ng pagbaha sa kanyang bayan.
“At least 23 houses were destroyed by flash floods,” ani Garcia na nangagambang tataas pa ang bilang nito.
Mahigit 30 pamilya na miyembro ng Manobo tribe na nakatira sa pampang ng Limulan River ang inilikas sa Zone of Peace and Development building sa Sta. Maria Barangay Hall.
Nagkalat naman sa Poral Beach ang mga sari-saring kalat galing sa kabundukan dahil sa pagbaha.
Walang kuryente ang mga apektadong barangay ng Kalamansig dahil sa mga posteng nabuwal ng malakas na hangin sa kasagsagan ng pagulan. (PNA)