KUNG sa indie films ay serious roles ang ginagampanan ng award-winning Kapuso child actor na si Miggs Cuarderno, sa TV naman ay mas gusto niyang gumawa ng comedy.
Kasama si Miggs sa weekly comedy-adventure series ng GMA-7 na “Tsuperhero” kung saan bida sina Derrick Monasterio at Bea Binene.
Hindi naman matatawaran ang husay ni Miggs sa kanyang pagganap sa indie films tulad ng “Quick Change” kung saan nanalo siya ng Best Actor award mula sa Cheries Cheris International Film Festival sa France noong 2014.
Nanalo naman siyang best supporting actor sa Cinemalaya Independent Film Festival para sa pelikulang “Children’s Show.”
At sa pelikulang “Asintado” naman ay nanalo siya bilang Movie Child Performer of the Year mula sa PMPC Star Awards for Movies at FAMAS Awards noong 2015.
Kung sa indie films ay sobrang concentrated si Miggs sa kanyang pagganap, relaxed na relaxed naman siya sa “Tsuperhero” dahil bukod sa comedy ito, isa sa dreams niya noon pa ay maging isang superhero.
“Sobrang saya ko po, kasi one of the dream roles ko ay maging superhero.
“So ’yun po dream come true talaga na makasama ako ‘Tsuperhero.’ Masayang-masaya po akong makatrabaho ang maraming artista,” ngiti pa niya.
Bukod kina Derrick at Bea, kasama rin sa cast sina Gabby Concepcion, Alma Moreno, Betong Sumaya, Philip Lazaro, Jemwell Ventenilla, Annalyn Barro at Valentin.
Tinanong pa si Miggs kung ano ba ang special sa comedy series na “Tsuperhero.”
“Special siya kasi iba siya sa mga natural na sitcom.
“Pang masa siya talaga lahat, tapos superhero pa, so talagang ibang-iba siya.
“’Yun ang espesyal niya ’yung pagka-superhero niya kasi parang wala pa akong nakikitang superhero na sitcom,” mabilis na sagot pa ni Miggs.
Isa sa mga in-demand child actors ng Kapuso network si Miggs na unang nakilala sa teleserye na “Munting Heredera.”
Lumabas din siya sa mga teleseryeng “Faithfully,” “With a Smile,” “Kahit Nasaan Ka Man,” “Kambal Sirena,” “My BFF,” “Second Chances,” “Destiny Rose,” “Princess in the Palace” at “Poor Señorita.” (RUEL J. MENDOZA)