MALOLOS, Bulacan (PIA) – Kinilala kamakailan ng pamahalaang panlalawigan ang ilang kooperatiba dahil sa malaking ambag nito sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng Bulacan.
Kabilang sa mga ginawaran ng Gawad Galing Kooperatiba 2016 ang Bagong Barrio Multi-Purpose Cooperative o MPC at Paschal MPC mula sa bayan ng Pandi para sa large at medium scale category habang ang Umpucan Palay and Vegetable Farmers Multi-Purpose Coop mula San Ildefonso naman ang pinagkalooban ng nasabing parangal sa small scale category.
Kinilala rin sina Danilo Rivera ng Bagong Barrio MPC bilang Gawad Galing Pook Leader Award at Jon Louie Santiago ng Mcdo Marilao bilang Gawad Galing Coop Officer dahil sa kanilang kahanga-hangang pagsisikap at paghahatid ng dekalidad na serbisyong pangkooperatiba.
Binati naman ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado ang mga nagsipagwagi at sinabing nararapat lamang na bigyang pagpapahalaga ang mga mahalagang kontribusyon ng mga organisasyon na siyang katuwang din ng pamahalaan sa pag-unlad.
Ang lalawigan na kilala rin bilang Cooperative Capital ng Gitnang Luzon ang siyang itinanghal ngayong taon bilang Best Performing Local Government Unit in Cooperative Development Office ng Cooperative Development Authority.