SAN AGUSTIN, Romblon (PIA) – Magkasabay na pinasinayaan kamakailan ang bagong roll on roll off (RoRo) port at access road sa pantalan ng San Agustin, Romblon sa pangunguna ni Congressman Emmanuel F. Madrona.
Ang bagong imprastraktura ay malaking tulong sa mga biyaherong gumagamit o dumadaan sa nasabing pantalan.
Sinaksihan din ang naturang pasinaya ng mga kinatawan ng Philippine Ports Authority (PPA), mga halal na opisyal ng lokal na pamahalaan ng San Agustin at mamamayan dito.
Ayon kay Mayor Esteban Santiago F. Madrona, ang RoRo port ay pinondohan ng PPA at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang nangasiwa sa pagpapagawa nito.
Aniya, ang access road naman patungong sa nasabing pantalan ay pinaglaanan ng pondo ng lokal na pamahalaan ng San Agustin upang di mahirapan ang mga nagmamaneho ng sasakyan at maging ang mga naglalakad na commuters tuwing sumasakay sa RoRo at pump boat.
“Ang blessings at ribbon cutting ay seremonya ng pagbibigay pahintulot sa publiko na maaari ng gamitin ang imprastraktura na kaloob sa kanila ng gobyerno,”ani Madrona.