Suspetsa ng pulisya na sangkot sa illegal drug trade ang mga taong pumatay sa isang barangay chairman sa Tondo, Manila, nitong Martes ng hapon.
Kinilala ni PO3 Jorlan Taluban ng Manila Police District (MPD) Crimes Against Persons Investigation Section ang biktima na si Barangay 100 Zone 8 chairman Alberto Carpio, 57, nakatira sa 123 Del Pilar St., Magsaysay Village, Tondo.
Base sa investigation, naglalakad si Carpio sa kanto ng Jacinto at Roxas Streets para i-check ang lugar na paglalagyan ng Christmas tree nang pagbabarilin siya ng dalawang nakamotorsiklong lalaki sa likod.
Dead on arrival si Carpio sa Tondo Medical Center. Napag-alaman ng police na nagsimulang makatanggap ng death threats ang biktima nang ilunsad ng gobyerno ang Oplan Tokhang.
Ilang oras bago siya pinatay, nakipagpalit ng upuan si Carpio kay Barangay Secretary Cherry Figueroa sa harap ng Barangay Hall dahil aniya maaring may bumaril sa kanya, ayon sa police report. (Jamie Rose R. Aberia)