Patay ang isang cashier nang barilin at saksakin ng tatlong armadong lalaki na tinangka niyang pigilin sa pagtangay ng P16,000 cash mula sa hotel na kaniyang piñagta-trabahuhan sa Quezon City.
Binawian ng buhay si Arnel Nalic, 24, habang isinusugod sa Quezon City General Hospital dahil sa tama ng bala at saksak sa katawan.
Base sa police report, naka-duty si Nalic bilang stay-in cashier sa isang hotel sa Quirino Highway, Barangay Baesa, nang biglang sumulpot sa lobby ang tatlong nakamaskarang kalalakihan at nagdeklara ng holdup bandang 3:20 a.m.
Sinabi ni Christopher Gonzales, security guard ng hotel, na inutusan sila ng mga suspek na dumapa sa sahig habang nililimas ang counter.
Inutusan din nila si Nalic na buksan ang cash register at kinuha nila doon ang kita ng hotel na nagkakahalaga ng P16,000. Nang papaalis na ang holduppers, tumayo si Nalic at hinabol ang mga salarin.
Dahil dito, dalawa sa mga suspek ang nagsalitan sa pagbaril sa biktima. Hindi pa nakontento, pinagsasaksak ng pangatlong suspek si Nalic bago sila tuluyang tumakas sakay ng motorsiklo dala ang perang nakulimbat.
(Vanne P. Terrazola)